Ang hirap alalahanin at sabihin kung kelan talaga ako huling naging masaya. At kung naging masaya nga ba ko?. Malaki ang posibilidad na bilang tao, ako ay nakangiting aso sa mga panahong inaakala ng iba ay tunay nga akong masaya. Minsan, ako mismo, naniniwala sa panlabas kong anyo. Nag-aastang walang problema at ayos lang ang lahat ng mga bagay. Natural na lang siguro ‘yun. Dahil mas madaling magkunwaring masaya ka, kesa magpaliwanag kung bakit ka malungkot. Pero, kahit bihis na bihis ng magagandang ngiti, hindi ko pa rin maikubli ang nagtatagong kalungkutan.
Sino ba kasi may pakana na kelangan nating magpanggap na masaya?
Nitong mga nakaraang araw, namuhay ako na ang iniisip lamang kung magiging masaya nga ba ako sa susunod pang mga araw at hindi maubos ang oras ko sa mga walang kabuluhang bagay. Madalas akong nagkukulong sa kwarto. Sa kadahilan na rin na madami ang kelangan gawin. At mga bagay na sadyang gumugulo sa isipan ko, pero hindi ko naman talaga alam ang dahilan kung bakit ako nag-iisip. Samantalang, hindi ko naman dapat isipin.
Ang gulo ko talaga.
Sigurado kaya ang mga taong nakapaligid sa ‘kin na masaya ako?
Palagay ko… HINDI. Maaaring naguguluhan lang ako. O sadyang magulo lang talaga. Pero napagtanto ko din na masyadong marami akong ginagawa at iniisip na mga bagay na dapat at kelangan patunayan. Namumuhay ako sa sukatan na ginawa ng iba. Madalas kong tanungin ang sarili ko kung naging masaya nga ba ako. Sa maraming panahon na hindi ko magustuhan ang sagot ay agad akong iisip ng paraan o bagay na inaakala kong makapagpapasaya sa ‘kin. Bihirang magtugma ang taas ng aking layunin sa taas ng aking narating. At sa oras naman na magtagpo ang dalawang ito, tatanungin ko ulit ang aking sarili kung masaya na ba ako?. At babalik ulit ito sa sagot na hindi. Doon magsisimula ulit ang paghahanap ko ng saya.
Ikaw, masaya ba?
Hindi lahat ng ating gusto ay magiging totoo. Laging may kulang. Kung kaya ko lang isipin, siguro mas masarap ang tulog ko.
Hindi iikot ang mundo ayon sa ating gusto. Pero pwede nating sabayan at mapakinabangan hanggang sa mahilo tayo sa ikot ng mundo. Alam kong wala pa akong alam sa buhay. Maaring napailing at hindi ka na sang-ayon sa mga bagay na nabasa mo.
Pero kahit ganun, naniniwala akong hindi dapat sukatin ang ating buhay ayon sa dami ng beses na naging masaya tayo.
Para maging masaya tayo, kelangan lang nating tanggapin na hindi lahat ng bagay na ating gusto ay makukuha natin at hindi sa lahat ng oras ay lagi tayong masaya.
“Kelangan ko lang makuntento kung ano ang meron ako.”
“ BEE HAPEE
”
[06.11.09]
